Screening and Diagnosis
Ano ang tuberculosis (TB)?
Ang tuberculosis ay isang nakamamatay na sakit na nakaaapekto sa mahigit na isang milyong tao sa Pilipinas. Ang TB ay nagagamot, pero sa kabila nito ay halos 60 Pilipino pa rin ang namamatay araw-araw, at marami sa kanila ang hindi alam na sila ay may sakit na TB. Upang ikaw ay maprotektahan lalo na't ngayong panahon ng COVID-19 pandemic, kailangan mong magpasuri upang masigurong laging malusog at ligtas ang iyong mga baga.
Ano-ano ang mga sintomas ng TB?
Maaaring umabot ng 1-2 taon bago tuluyang magkaroon ng sakit ng TB ang isang taong na-expose sa TB bacteria. Posibleng may TB ka kung ikaw ay nakararanas nang 2 linggo o higit pa ng isa sa mga sumusunod:
- ubo
- hindi maipaliwanag na lagnat
- hindi maipaliwanag na pamamayat
- pagpapawis sa gabi
Paano ko malalaman kung may TB ako?
Ang tatlong hakbang na ito ay paraan upang malaman kung ikaw ay may TB:
- Alamin ang mga sintomas - Agad na magpakonsulta kung may mga nararamdamang sintomas.
- Chest X-ray - Kailangan mo ng Chest X-ray upang malaman kung ikaw ay posibleng may sakit na TB. Mainam na magpaX-ray ng isang beses sa isang taon kahit na wala kang masamang nararamdaman.
- Pagsusuri sa plema - Kung ikaw ay may sintomas o X-ray na nagsasabing ikaw ay maaaring may TB. Upang masuri, kinakailangan na magbigay ka ng sampol ng iyong plema.
Bakit ko kailangang magbigay ng sampol ng plema?
Dapat masuri ang iyong plema para malaman kung ikaw ay may TB. May mga pasyenteng nakapagbibigay agad ng plema sa klinika, at ang iba naman ay kinokolekta ito sa bahay at ibabalik na lang sa kanila.
Kailan magandang magkolekta ng sampol ng plema?
Ang pinakamahusay na kalidad na sampol ng plema ay nakokolekta pagkagising sa umaga, bago kumain, at bago magsipilyo ng ngipin.
Ano ang mahusay na uri ng plema?
Plemang idinahak o iniubo galing sa iyong baga.
Saan dapat gawin ang pagkolekta ng plema?
Tiyaking gawin ang pagkolekta ng plema sa labas ng bahay o sa isang bukas at mahanging lugar o kuwarto na may maayos na daloy ng hangin. Siguraduhin na wala o malayo ang mga tao sa paligid bago ito gawin. Huwag magkolekta ng plema sa loob ng banyo o alin mang lugar na walang maayos na daloy ng hangin.
Treatment
Nagagamot ba ang TB?
Ang TB ay nagagamot – mas mabuti na agad magsimula. Ang mga sintomas ay hindi mawawala nang kusa at ang hindi agarang paggamot ay makapagpapalala ng sakit at magdudulot ng panganib sa mga taong malapit sa iyo. Ang gamot sa TB ay iniinom araw-araw nang hindi bababa sa anim na buwan.
Libre ba ang gamot para sa TB?
LIBRE ang gamot sa TB sa mga pampublikong gamutan at di na kailangan pang manatili sa ospital upang magpagamot – maaaring inumin ang gamot sa bahay o kaya ay kumuha sa mga health center sa inyong komunidad. Kinakailangan na regular na makipagkita sa health worker upang masiguro na tuluy-tuloy ang iyong gamutan.
Ligtas ba ang mga gamot?
Walang karaniwang nagiging problema ang mga taong umiinom ng gamot, maliban na lamang sa minsanang side effects. Kausapin ang iyong doktor kung sakaling may kakaiba kang maramdaman – siya ay makatutulong sa iyo. Ipaalam mo rin sa iyong doktor kung ikaw ay may ibang gamot na iniinom maliban sa gamot sa TB, para malaman kung ang mga ito ay ligtas na pagsabayin. Ang mga babaeng pasyente ay kinakailangang magdagdag ingat na hindi magbuntis dahil ang mga gamot sa TB ay nakababawas ng epekto ng mga birth control pills at implants. Makipag-ugnayan sa iyong doktor at nars tungkol dito.
May panganib ba sa aking pamilya at mga kaibigan kung ako ay may TB?
Ang TB ay kumakalat sa hangin, kung kaya’t sa iyong pag-ubo o pagbahing, maaaring maipasa ang mikrobyong TB sa mga taong lagi mong kasama – sila ang mga taong kasama mo sa bahay o sa trabaho. Ang pag-inom mo ng gamot ang pinakamabisang proteksyon para sa kanila. Posibleng hindi na makahawa ang taong may TB matapos ang dalawang (2) linggong gamutan.
Ano ang mangyayari kung hindi ako nakainom ng gamot?
Kahit na sino ay maaaring magkamali – kung nakalimutan mong uminom, inumin agad ang gamot sa oras na naalala mo. Kung ito ay halos kasunod na ng iyong susunod na inom ng gamot, huwag mo na itong inumin at sundin na lamang ang susunod na schedule. Huwag dodoblehin ang dose ng gamot na iinumin mo sa isang araw.
Ilang linggo na akong umiinom ng gamot at maayos na ang pakiramdam ko. Dapat ko pa bang ituloy ang pag-inom ng gamot?
Matapos ang ilang araw ng pag-inom ng gamot, maaari kang makaramdam ng ginhawa, subalit hindi ibig sabihin nito ay magaling ka na. Ang mikrobyong TB ay nasa katawan mo pa, at kapag itinigil mo ang gamutan, babalik ang sakit mo at maaaring di na gumana ang mga iniinom mong gamot at mangailangan ka na ng mas mahabang gamutan gamit ang mga bagong gamot. Ang tanging paraan upang gumaling sa TB ay ang tapusin ang kabuuang gamutan.
Ano-ano ang mga kadalasang side effects ng TB treatment?
Ang isang taong may TB na naggagamot ay maaaring makaramdam ng mga sumusunod na side effects depende sa kanilang gamot na iniinom at kondisyon:
- Lagnat
- Ubo
- Ubo na may kasamang dugo
- Hirap sa paghinga
- Paninilaw ng balat at mata
- Pamumutla ng labi, palad, at mga daliri
- Pagsusuka
- Pananakit ng tiyan o sikmura
- Pagtatae
- Pananakit o pamamanhid ng binti
- Pagbabago sa paningin o panlalabo ng paningin
- Paghina ng pandinig o ugong sa loob ng tainga
- Pagkahilo
- Pamumulikat
- Panghihina o mabilis na pagkapagod
- Pagkawalang malay
- Mabilis o mahinang pagtibok ng puso
- Pananakit ng ulo
- Pagiging malungkutin
- Pagkabalisa o hirap sa pagtulog
- Pagka-aburido
- Pagkakarinig ng boses na hindi naririnig ng iba
- Kumbulsyon o pangingisay
- Pangangati o pamamantal ng balat
- Pananakit ng kasu-kasuhan
- Pagkawala ng ganang mabuhay
Paano ko maiiwasan ang mga side effects na ito?
Ang mga side effects na nararamdaman ng isang tao ay nakadepende sa iba’t ibang kondisyon. Kung ikaw ay nakakaramdam ng alinman sa mga nabanggit habang naggagamot sa TB, maaari mo itong ikonsulta sa iyong doktor upang magawan ng paraan.
Ano ang tamang oras ng pag-inom ng gamot?
Ang anti-TB drugs ay kailangan inumin sa parehong oras araw-araw batay na rin sa abiso ng iyong doktor. Maari mo itong inumin isang oras bago kumain o dalawang oras pagkatapos kumain.
Maaari ba akong mag-jogging o mag-exercise habang naggagamot sa TB?
Ang page-exercise ay makabubuti sa katawan ng isang tao ngunit iwasan ang labis na pagkapagod lalo na kung naggagamot sa TB. Maaari mo ring tanungin ang iyong doktor tungkol sa mga aktibidad na maaari mong gawin o iwasan.
Prevention
Mayroon bang paraan para maiwasan ang paglala ng TB?
Mayroong libreng TB Preventive Treatment o TPT sa mga pampublikong ospital, health center o TB clinic kung may exposure ka sa isang taong may active TB o kung matiyak na may latent TB infection (LTBI) ka
Maaari bang bumalik ang TB?
Ang TB ay maaaring bumalik kahit gumaling ka na mula rito. Kaya mas makabubuti kung ikaw ay palaging magpunta sa pinakamalapit na health center upang magpa-check-up.
TB and COVID-19
Ano-ano ang pagkakaiba ng COVID-19 sa TB?
Ang COVID-19 ay sanhi ng isang virus, samantala ang TB ay galing naman sa isang bacteria, ang Mycobacterium tuberculosis. Nakukuha ang TB bacteria sa paglanghap sa hanging may bacteria. Hindi ito naisasalin sa paghawak ng mga bagay o mga ibabaw ng mga kasangkapan.
Mayroon akong TB. Mas delikado ba ako na magkaroon ng COVID-19?
Kung may TB ka ngayon, mag-doble ingat upang hindi ka mahawaan ng COVID-19 para di na makadagdag hirap pa sa iyong baga. Lalong pinag-iingat kung ikaw ay senior citizen, o may iba pang karamdaman tulad ng diabetes at sakit sa puso.
Mayroon daw akong latent TB infection. Mas delikado ba ako na magkaroon ng COVID-19?
Ang latent TB infection (LTBI) ay ang pagkakaroon ng “natutulog” na TB bacteria sa iyong katawan. Wala ka pang nararamdamang mga sintomas. Maaaring ikaw ay nahawa na sa isang ka-pamilya o ka-trabaho na mayroong TB kahit na ikaw ay wala pang sintomas na nararamdaman. Kung ikaw ay na-diagnose na mayroong latent TB infection, mas mabuting mag-TB Preventive Treatment (TPT) ka upang malabanan ang LTBI. Maaari mong tanungin ang doktor sa pinakamalapit na health center tungkol sa TB Preventive Treatment. Proteksyunan ang iyong sarili laban sa COVID-19.
Mayroon akong pulmonary TB (PTB). Ano ang dapat kong gawin kung mayroon din akong sintomas ng COVID-19?
Kung ikaw ay may pulmonary TB, dapat mong ipagpatuloy ang iyong pagpapagamot. Siguraduhing mayroon kang gamot para sa loob ng isang buwan. Bago pa maubos ang iyong mga gamot, tumawag sa iyong TB clinic o health center para sa supply mo sa susunod na buwan. Kapag nakaramdam ka ng mga pangunahing sintomas ng COVID-19 habang naggagamot laban sa TB, tumawag sa iyong TB clinic at magpa-refer sa pinakamalapit na ospital.